Flash News
Mail RSS
Quezon Province
Loading...

Goodbye, Panty; Hello Garci - 1

TUMBAS MANIPIS
by John A. Bello

Nagkaroon ng matinding drama sa mismong araw ng State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng ika-23 ng Hulyo na tatatak sa kasaysayan ng bansa sa pagkakapatalsik ni House Speaker Pantaleon Alvarez at pagbabalik sa mataas na poder ni dating Pangulo at Pampanga Congw. Gloria Macapagal-Arroyo. Si Arroya ang kauna-unahang babaeng naging Pangulo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, tunay na kanyang muling pagbabalik sa abo ng kahihiyan nang siya’y maipakulong ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa mga kasong korapsiyon na kanyang kinasangkutan noong kanyang panunungkulan nang siya ang nakaluklok sa Malakanyang.

Iyong nangyari sa ikalawang SONA ni Pang. Duterte pala ang inaantay na tiyempo para matibag sa kanyang puwesto ang mayabang na si Alvarez na walang pakundangan kung ipangalandakan ang pagkakaroon niya ng mga jowa matapos hiwalayan ang kanyang asawa. Sa social media, lalo na sa Facebook, ay makikita siyang kasama ang kanyang kerida sakay sa eroplano puntang ibang bansa. Sa kongreso, makikita ang kanyang wari’y wala sa hulog na pagsusulong ng panukalang diborsiyo at same-sex marriage lalo na sa mga nakararaming Pinoy na sarado Katoliko. Nariyan ang kanyang pahayag na lusawin na ang United Nations at palitan ng United Nations of Asia dahil di daw maprotektahan ng Western countries, lalo na ang United States ang kapakanan ng maliliit na bansa sa Asia lalo na ang Pilipinas. Bilang pinuno ng Mababang Kapulungan ay makikita ang kanyang pambabraso sa kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng di pagbibigay ng nararapat na pondo sa kung sinumang mambabatas na ayaw sumunod sa kapasiyahan ng mayorya. At sino ang di mapipika sa kanyang banta na di bibigyan ng pondo ang mambabatas na di susuporta sa panukalang Federalismo na isinusulong ng kanyang presidente?

Ang imahe ng pagiging loyalista ni Alvarez sa presidente ay nakaukit sa isip ng taumbayan at sadyang sino ang mag-aakala na darating ang punto na siya’y matitibag agad sa kanyang puwesto di pa nga halos nangangalahati ang termino ng kanyang amo? Pero nagkaroon sila nang hidwaan ng anak ng presidente, si Davao city mayor Sara Duterte, at iyon ang kanyang pagkakamali. Inakusahan umano niya ang presidential daughter na nagtatayo ng opposition party nito – ang Hugpong ng Pagbabago - na kalaban daw ng ruling party, ang PDP-Laban, at naipahayag pa umano minsan ni Alvarez sa isang pagtitipon na kaya niyang ipa-impeach ang pangulo sa Mababang Kapulungang kanyang pinamumunuan. Parehong itinatanggi ito ni Alvarez, na ewan kumbakit ang palayaw ay ‘Supot’ at ‘Panty’; itong huli ay puwede pang mapangatwiranan na pinaikli sa kanyang pangalang Pantaleon, pero iyong unang ‘Supot’?

Noong SONA 2 ni Duterte ay tunay na hitik sa kadramahan at naudlot ng mahigit isang oras bago nakapagtalumpati ang pangulo sa plenary session hall ng kongreso. Habang nagkakagulo pa sa dalawang kampo na pailalim na nag-aagawan ng liderato - umikot at ipinasa sa mga mambabatas ang manipesto ng pagsuporta sa pangangailangan ng pagbabago ng liderato sa katauhan ng ex-president at Pampanga lady solon at ang mga loyalista naman ni Alvarez ay hindik na nagkumahog na huwag malagasan ng bilang ang kanilang hanay - si Duterte ay ‘idinitine’ muna sa holding room ng kongreso at naghihintay na maresolba ang tahimik ngunit malinaw na umuusbong na kudeta. Nang mahawi ang usok at alikabok ng tahimik na digmang kudeta, lugmok si Alvarez at panalo si Arroyo sa botong 189 sa kabuuang mahigit 200 kasapian ng Kamara.

ITUTULOY