Flash News
Mail RSS
Quezon Province
Loading...

Goodbye, Panty; hello, Garci – 2

Tumbas Manipis
by John A. Bello

Sino ang makakalimot sa nangyaring kudeta-drama noong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte nang masalisihan sa puwesto ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si House Speaker Pantaleon Alvarez bilang pinuno ng Mababang Kapulungan sa Kongreso?

Naantala ng mahigit isang oras ang simula ng SONA dahil sa naganap at kinakailangan pang ipadiretso muna sa isang holding room si Duterte at kausapin sina Arroyo at Alvarez para maayos ang gusot at matuloy ang programa na inip at dismayado nang inaantay ng buong sambayanan upang marinig ang ipapahayag ng pangulo ng bansa.

Walang anumang binanggit si Duterte sa kanyang SONA tungkol sa nangyaring agawan ng kapangyarihan sa Kamara. Napanood ng madla sa telebisyon na si Alvarez pa rin ang kahanay sa unahan nila Duterte at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto at umano yan ang napagkasunduan sa lihim na pakikipag-usap ni Duterte sa holding room kina Arroyo at Alvarez na ang huli pa rin ang tatayo sa SONA at ayon sa biruan ng mga netizen sa social media ay pinayagang siya muna kahit talsik na kasi sayang daw naman ang magandang suot na barong ni Alvarez.

Pagkatapos ng SONA ay pormal na pinagbotohan ang pamumuno sa Kamara ni Arroyo na sinimulan lang sa pagpapaikot ng isang manipesto ng pagsuporta ng mga mambabatas na pinangunahan pa sa paglagda ni House Minority Floor Leader at Quezon 3rd District Rep. Danilo Suarez bago ang pagsisimula ng SONA. Lumabas ang mga pahayag na noong gabi bago ang araw ng SONA ng Pangulo ay pinagtatawagan daw ni Davao city Mayor Sara Duterte ang mga mambabatas na suportahan si Arroyo. Lumalabas na tatlong magigiting na babae pala ang ‘nagluto’ ng kudeta sa Kamara upang matagumpay na mapatalsik si Alvarez – sina Mayor Duterte, Arroyo at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos. Nakakapagtaka kung bakit naroon sa loob ng session hall ng Kamara mismo ang anak ng dating diktador at nakitang masayang kumakaway sa matagumpay na pag-akyat ni Arroyo sa unahan matapos mapirmahan ng mayorya ng mambabatas ang naturang manipesto. Sa huli, sa botohan matapos ang SONA ni Duterte ay nakopo ni Arroyo ang mahigit 200 boto sa Kamara at pormal na nagluklok sa kanya bilang kauna-unahang babaeng pinuno sa Mababang Kapulungan.

Sino ang makakalimot kung sino si Arroyo? Siya lang naman ang dating pangulong pumalit kay dating Pangulong Joseph Estrada na napatalsik sa Edsa 2 People Power uprising dahil sa kinasangkutan ng huli sa Jueteng scandal. Siya lang naman ang pinalitan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III na nagpakulong sa kanya sa kasong korapsiyon.

Sino ang makakalimot sa kontrobersiya tungkol sa Hello Garci tape noong 2004 presidential election nang tawagan ni Arroyo si Comelec Garcillano tungkol sa halalang marami ang naniniwalang gumawa ng lihim na maniobra si Arroyo upang manalo laban sa kanyang katunggaling action star na namayapang si Fernando Poe Jr.?

Sino ang makakalimot sa maanomalyang $329 million deal ng National Broadband Network sa China ZTE Corp. at sa regalong P500,000 sa lahat ng miyembro ng Kamara at sa mga local officials na pinapunta pa sa Malakanyang upang tanggapin ang kanilang suhol?

Ilan lamang iyan sa kinasangkutan ni Arroyo noong kanyang administrasyon bilang pangulo ng bansa pero sa kabila niyon ay nakaahon na siya at kasalukuyan ngang tagapangulo ng Kamara.

Dapat manmanan kung ano ang magiging senaryo ngayon sa muling pamamayagpag ni Arroyo sa poder ng kapangyarihan. Siya ba’y magiging mabuting sundalo ni Duterte o magiging banta sa kanya? Ano ang magiging papel ni Arroyo kung magtatagumpay ang isinusulong ng administrasyong Duterte na Charter Change at Pederalismo?

Anuman, dapat manmanan ang tatsulok na ugnayan nila Duterte, Arroyo at Marcos sa kasalukuyang masalimuot na galaw ng politika sa bansa.

Sa isyu ng Pepe-Dede-Ralismo na video ni Asec. Mocha Uson: Ang sinumang nagsasabing henyo ang ginawa ni Mocha dahil sa simpleng kabalahuraan ng kanyang ginawa ay pinag-uusapan na ang hayup na Federalismo ay simpleng katarantaduhan at kabobohan kahit nakahanay pa sa wers-wers Inglis yan. Ang akala na sa simpleng balahurang video ay natuon na ang atensiyon ng madlang pipol kung anong hayup ba ang Federalismo. Ang totoo niyan sa ginawa ni Mocha ay lalong binastos niya ang taumbayan dahil akala’y sa balahurang kembot lang ay mahahalina na sila at makikiliti ang isip sa naturang video at mag-uusisa kung ano ang isyu. Sa halip ay natuon kay Mocha mismo ang atensiyon ng taumbayan, kung ano siya noong nakaraang buhay niya at kung gaano ang panglalansi ng administrasyong Duterte sa paggamit at pagpapagamit ng ganyang bulok na pamamaraan.