Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

Political ‘sub’ story

Tumbas Manipis
by John A. Bello

Nagtapos na rin sa wakas noong Huwebes, Nob. 29, ang pinakaabangan ng lahat sa buong bansa, at di lang naman sa lalawigan ng Quezon, iyong tungkol sa substitution o pagpapalit ng mga kandidatong tatakbo sa halalan sa Mayo 13, 2019. Iyon kasi ang itinakdang araw at petsa ng Commission on Elections para sa pagpapalit ng mga kandidato sa mga puwestong kanilang hinahangad sa darating na halalang nasyunal at lokal. Kung bakit may mga pagpapalit pa ay ang Comelec at mga kandidato na marahil ang tunay na makakasagot niyan dahil sila naman ang bihasa sa larong politikal.

Sa Quezon as usual ay nagstake-out ang local media sa tanggapang pangprobinsiya ng Comelec upang saksihan kung sino sa mga naghaing kandidato ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) noong buwan ng Oktubre ang magwi-withdraw o aatras at sino ang magsu-‘sub’ o papalit.

Sa gubernatorial candidates na nagfile ng kanilang COC na kinabibilangan nila 2nd District Rep. Vicente ‘Kulit’ Alcala (PDP-Laban), 3rd District Rep. Danilo Suarez (Lakas-NUCD), dating 4th district provincial board member Frumencio ‘Sonny’ Pulgar (Malayang Mamayan ng Quezon), dating Lucban mayor Serafin Dator (Independent), dating Padre Burgos mayor Dominador ‘Ding’ Villena, Fatima Abuy (Partido Federal ng Pilipinas) at Rey Rosales (Aksiyon Demokratiko), ay tanging itong huli lang – si Rosales – ang nagwithdraw at pinalitan ng isang Juanito Suarez Jr.

Sa mga nagfile ng COC para vice governor na sina Teodoro Capena (Independent), reelectionist vice governor Samuel Nantes (Nacionalista Party), Geoffrey Lou Estacio (PDDS), Jaypee Rivera, Shirley Sadia (Aksiyon Demokratiko) and Mario Medina (LP) ay tanging si Rivera lang din ang umatras at pinalitan naman ni dating 4th district provincial board member Narciso Malite (PDP-Laban).

Sa mga posisyong congressman, sa 1st District, umatras si incumbent Rep. Anna Katrina Enverga at pinalitan ng kapatid, dating Rep. Wilfrido Mark Enverga (Nationalist People’s Coalition); sa 2nd District, umatras si Kneigoutina Suarez at pinalitan ni Gov. David ‘Jayjay’ Suarez (Nationalista Party), si Emeterio Tanedo ay pinalitan ni Amadeo Suarez (Aksyon Demokratiko); at sa 3rd District, umatras si Rodolfo Aguirre (PDP-Laban) at walang pumalit.

Sa mga nagfile ng COC para provincial board members ay may mga umatras din at nag-sub pero di ko na iisa-isahin dito at ang inaabangan ng media at ng taumbayan ay yung mga binanggit ko na sa itaas.

Si Gov. Suarez ay inaasahan nang papalit kay Kneigoutina Suarez at sa una pa lang ay nagpapahayag na ito ng palatandaan ng sorpresa para sa segunda distrito, nakabili daw ng property noong nakaraang taon sa bayan ng Tiaong, at nitong huli ay nag-iikot na sa 2nd district. Makakalaban niya ang nagbabalik at dating Agriculture Sec. Proceso Alcala at iba pa na kagaya ni dating Sariaya mayor Rosauro ‘Boyet’ Masilang.

Ugong ang usap-usapan sa sirkulo ng local media na sa pag-atras ni Katrina Enverga at pagpalit ng kanyang kapatid na si Mark sa Unang Distrito ay magiging katandem siya (Katrina) ni Kulit Alcala bilang vice governor. Pero di naganap noong huling araw ng palitan at ang balita ay itatalaga daw ito o itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang undersecretary ng Human Settlement. Sa halip ay lumalabas na ang magiging katandem na lamang ni Kulit Alcala ay ang dating bokal na si Malite.

Sa ngayon ay pinal na ang mga kandidatong tatakbo sa mga puwestong pamahalaang panglalawigan. Ang pinakaaabangan wari ng mga botante ng Quezon ay ang labanang Suarez- Alcala: Sa governor, Kulit Alcala vs Danny Suarez at sa 2nd District, Procy Alcala vs Jayjay Suarez. Magkapatid na Alcala vs mag-amang Suarez. Abangan natin mga bes sa botohan sa ika-13 ng Mayo 2019.
Loading...