Flash News
Mail RSS
Quezon Province
Loading...

Isang Pagpupugay sa Bayani sa Araw ng Kagitingan

Teacher’s Corner
by Annadel O. Gob

Tuwing Araw ng Kagitingan, Abril 9, ginugunita natin ang Fall of Bataan. Ito ang araw noong taong 1942, nang labag sa utos nina Gen. Douglas Mac Arthur at Jonathan Wainwright na isuko ni Maj. Gen. Edward P. King Jr. sa mga manlulupig na Hapon ang probinsiyang peninsula sa gilid ng Manila Bay.

Ngunit kumusta naman ang paggunita sa mga lokal nating mga bayani higit lalo sa lalawigan ng Quezon? Nariyan si Hermano Pule, Sarhento Ireneo Samaniego at mga Hunters ROTC Guerillas ng World War II. Nariyan ang araw ni Hermano Pule  ngunit apat lamang na bayan sa lalawigan ng Quezon ang gumugunita sa kabayanihan niya. Nariyan ang Tayabas, Lucban, Lucena, at Infanta. Sayang ang holiday na ito dahil nauuwi sa wala ang makasaysayang araw na ito.  Nakalulungkot isipin na unti-unti nating nalilimutan ang pagbibigay ng parangal sa mga bayani at mga gerilyang nagbuwis ng buhay para sa ating bayan.

Bilang isang guro sa ikatlong baitang, masasabi kong napakasuwerte ng mga mag-aaral sa ilalim ng K to 12 Kurikulum sapagkat nakapaloob sa pamantayang pagkatuto ang pag-aaral sa mga lokal na bayani ng ating lalawigan. Nabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makilala, maipagmamalaki at mapahahalagahan ang mga pagpupunyagi ng mga bayani ng sariling lalawigan.
Mahalaga ang pag-aaral na ito upang makilala at mabigyang pagpapahalaga ng ating bagong henerasyon ang mga bayani natin na nag-iwan ng mga aral at halimbawa nang sila’y lumaban at nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan. 

Iba’t ibang gawain ang nakapaloob sa Araling Panlipunan upang maikintal sa isipan ng mga kabataan ang mga pagpupunyagi ng mga lokal na bayani. Nariyan ang exhibit ng mga larawan ng mga bayani, film showing, essay contest at slogan contest na taon-taon ay isinasagawa sa mga paaralan.
Ngunit higit sa lahat,  mahalagang maituro sa mga kabataan ang tamang disiplina at pagsunod sa ipinatutupad sa batas ang isa sa panguhing hakbang upang bigyang saysay ang pagsasakripisyo ng mga bayani.  Ang kagitingan ay hindi lamang sa katapangan at pagbubuwis ng buhay para sa bayan. Ito ay masidhing pagsasakripisyo upang sama-samang mapagtagumpayan ang pambansang hangarin.