Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

Isa akong guro, No to Tulfo

Teacher’s Corner
by Annadel O. Gob
November 23, 2019

Labing-pitong taon na akong nagtuturo at hindi biro ang magdisiplina ng mga bata. Susubukin ang haba ng iyong pasensiya. Nakasalamuha ko na ang iba’t ibang uri ng bata at maging ang kanilang mga magulang. May pasaway, may mabait, at kung minsan sumasagot pa sa iyo ng pabalang. Hindi ako nagrereklamo dahil bahagi iyon ng aking trabaho.Mahirap, ngunit masaya na maging guro.

Trending ngayon ang show ni Tulfo. 800, 000 lang namang mga guro ang nagulo ang balahibo ng dahil sa sa kaniya. Masakit isipin na ang isang kaguro mo ay nahusgahan ng publiko ng walang kalaban-laban. Just for the show, ika nga. Si Tulfo na nagmistulang hukom at naghatol sa isang guro without the due process of law. Resign o sasampahan ng kasong child abuse sa korte ang gurong nagpalabas sa estudyante dahil ito ay pasaway. Tunay na nakalulungkot isipin na ang pinahirapan mong propesyon, lisensiya, at moral ay basta na lamang huhubarin ng publiko. Wala na bang puwang ang kahinahunan? Ang kapatawaran? Ang pagtatama ng kamalian? Mga konsiderasyon na mas mabuting makita ng mga mag-aaral kaysa sa nanghihiya sa publiko? Wala na nga kaming laban sa “Child Protection Policy”. Kaya-kayanan na kami kapag pinairal ang pagdidispilina. Bawal sigawan, bawal paluin, at bawal disiplinahin. Konting pagkakamali, Tulfo agad.

___ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW___




Tao din kami. May damdamin ang guro, nagagalit at kung minsan nauubos ang pasensiya sa ilang sirkumstansiya.May mga pagkakataon na na dinisiplina ng guro ang kaniyang mag-aaral sa paraang magtatanda at matututo. Disiplina na dapat unang natutuhan sa tahanan.

Sana maunawan ng mga magulang ang aming trabaho ay hindi madali. Kaming mga guro ang pangalawang magulang ng inyong mga anak. Mas matagal na kasama namin ang inyong mga anak sa maghapon. Hindi biro ang humawak ng klaseng may 40 o higit pang mga mag-aaral. Hindi biro ang magpabasa, mag remedial teaching, magbigay ng baon sa mga batang nagugutom, magtali ng sintas ng sapatos ng inyong mga anak, ang maggupit ng biskwit dahil hindi kayang buksan, pagbibigay ng guro ng lapis at ballpen, maging janitor sa loob ng silid-aralan, at magpayo sa mga batang kung minsan ay may problema.

Kung sa palagay nila ay umaabuso ang guro sa pagdidisplina ng kanilang mga anak, may tamang lugar para dito. Napag-uusapan sa mahinahon na paraan ang lahat ng bagay. Nariyan ang Guidance Office, principal at mismong guro ay kausapin. Pakinggan ang dalawang panig. Sa loob ng apat na sulok ng silid hindi sa publiko. Respeto sa bawat panig. Respeto sa damdamin ng bawat isa.

Kung ay may dapat magtimbang ng hustisya, nariyan ang hukuman, hindi sa mga mata ng publiko na mapanghusga, at hindi si Tulfo.

0 comments:

Post a Comment


Loading...