Page Nav

HIDE

Breaking News:

latest

Ads Place

Mga natatanging mamamayan ng Quezon, binigyan ng parangal

Binigyang-pagkilala kamakailan ang limang natatanging anak ng lalawigan sa ginanap na Quezon Medalya ng Karangalan 2017 sa Queen Margaret...

Binigyang-pagkilala kamakailan ang limang natatanging anak ng lalawigan sa ginanap na Quezon Medalya ng Karangalan 2017 sa Queen Margarette Hotel, Lucena City. Pinangunahan ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez ang paggagawad ng pinakamataas na parangal na ibinibigay ng lalawigan sa mga natatanging indibidwal. Dumalo rin sa kaganapan sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, DILG Secretary Catalino Cuy, Minority Floor Leader Danilo Suarez, Former Congw. Aleta Suarez, ALONA Partylist Representative Anna V. Suarez, Vice Gov. Samuel Nantes, mga board members at kinatawan ng mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Pinarangalan ng medalya at plake sa kategorya ng serbisyong pampubliko si Rev. Msgr. Fr. Joseph Faller, Francisco Rubio para sa agrikultura at pagenenegosyo, Ronel Roces para sa sining at kultura, Maria Nova Veluz para sa pagnenegosyo at Florcepina Oliveros para sa edukasyon.

Lubos namang ikinatuwa ni Gob. Suarez ang pagbibigay karangalan sa mga piling Quezonians na ito dahil ito ay isang pamamaraan umano ng lalawigan upang bigyan sila ng pagkilala sa mga natatanging gawain na naiaambag nila para sa lalawigan. Kaugnay nito ay ang paniniwala niya sa patuloy na pagbibigay-pugay sa Ama ng Wika at dating pangulo Manuel Luis Quezon. Naniniwala ang gobernador na mahalagang isabuhay ng mga taga-lalawigan ang paniniwala ng dating pangulo na ipinaglaban ang mga paniniwala at hindi nagpatinag sa anumang pagsubok na kanyang hinarap upang mapaunlad ang bansa.

“How is Quezon with us today? Are we living with the ideas that he stood up for? Despite his sacrifices and all the challenges he faced, he became triumphant. And these are the characteristics that our awardees have. Kaya natuwa po ako nang makita ko ang listahan ng mga paparangalan dahil ito po ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng ating lalawigan.” ayon kay Gob. Suarez.

Malugod namang nagpasalamat ang panauhing pandangal na si DILG Secretary Catalino Cuy sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang makadalo sa prestihiyosong kaganapan. Buong-puso niyang kinilala ang tapat na adhikain ng dating pangulo para sa bansa at kung paano siya nagsilbing halimbawa sa magandang pag-papaunlad ng bayan tulad ng mga QMK awardees.

“Si Quezon ay isang pangulo na tapat sa adhikain at hindi natakot na baguhin ang dating nakagawian upang siguraduhin ang kaligtasan at kaunlaran ng bansa. Hindi ganon kadali ang pagbabago, ngunit hindi niya inalintana ang mga pagsubok na kanyang hinarap bagkos ay naging inspirasyon pa ito tungo sa kaunlaran. Sana ganito rin ang ating maging pananaw sa buhay.” ani Sec. Cuy.

Lubos namang nagpasalamat si Rev. Fr. Joseph Faller bilang isa sa mga pinarangalan ng Medalya ng Karangalan. Para sa kanya, siya ay nagsilbing instrumento ng Diyos upang maging isang halimbawa sa iba. Aniya, maligaya siyang naglilingkod sa mga tao at ang paglilingkod niyang ito ay sapat nang gantimpala higit pa sa medalyang kanyang natanggap.

“Binigyan ako ng Diyos ng compassionate heart, so I can heal people from compassionate healing. Maligaya po akong naglilingkod sa mga tao, sa may sakit, nawawalan ng pag-asa, mga taong sa palagay ay wala nang kinabukasan. Ang paglingkuran kayo ay sapat nang gantimpala sa akin, higit pa sa medalya ng karangalan. Ang medalyang ito ay walang kahulugan kung hindi ko ibabahagi sa mga toang naging inspirasyon ko, sa Diyos na nagbigay sakin ng buhay at kagalingan. Lahat kayo ay inspirasyon ko, para sa inyo itong lahat. “ pagwawakas ni Fr. Faller. (Quezon – PIO)

No comments

Latest Articles

OFFICE ADDRESS: Sentinel Times Quezon Province Regional Weekly Newspaper is published at Dau St. Calmar Subd. Brgy. Mayao Kanluran, Lucena City, 4301 Quezon Province, Philippines

TELEPHONE: 042-717-6108

CELL: 0927-938-5896

E-MAIL: contact@sentineltimes.net/
sentineltimes@yahoo.com

WEBSITE: https://www.sentineltimes.net/

SOCIAL MEDIA: @stcalabarzon