Page Nav

HIDE

Breaking News:

latest

Ads Place

Ika-176 Anibersaryo ng Kamatayan ni Hermano Puli, ginunita

by Nimfa L. Estrellado Muling ginunita ng buong lalawigan ng Quezon ang Ika-176 anibersaryo ng kabayanihan ni Apolinario dela Cruz o mas...



by Nimfa L. Estrellado

Muling ginunita ng buong lalawigan ng Quezon ang Ika-176 anibersaryo ng kabayanihan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli noong ika-4 ng Nobyembre, 2017 sa pangungana ng ama ng lalawigan ng Quezon, Gob. David C. Suarez kasama sina SOLCOM Commander, MGen Benjamin Madrigal Jr., Tayabas City Mayor Ernida Reynoso, at mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Ang taunang paggunita at pagpaparangal kay Hermano Puli ay isinagawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Puli sa Brgy. Isabang, Lungsod ng Tayabas na may temang “Ating Bayani, Ating Inspirasyon”.

Ayon kay Gob. Suarez sa kaniyang mensahe.Mahalagang bigyang pugay ang mga bayaning tulad ni Hermano Puli sa kadahilanang isa siya sa mga bayani na nanindigan para sa kanyang paniniwala na ang lahat ng mamamayan ay pantay-pantay anuman ang kanilang relihiyon o estado ng pamumuhay. Sa kanya ring talumpati, ibinahagi ng gobernador ang kanyang munting karanasan kaugnay sa kabayanihan ni Hermano Puli at kung gaano kahalaga ang pagkakaisa sa isang samahan.

Kaya’t marapat siyang alalahanin kasama ang ibang bayaning nagbigay kontribusyon para sa bansang Pilipinas.

Ayon sa Hermano Puli Memorial Committee na kailangang gunitain ang kabayanihan ni Puli dahil marami pa rin sa kasalukuyan ang hindi nakakakilala dito na bayaning nagmula mismo sa lalawigan ng Quezon na ipinaglaban ang kalayaan sa pananampalataya.

Dagdag pa ni Gob. Suarez, magsilbi sanang inspirasyon ang ipinakitang kabayanihan ni Hermano Puli maging pakikibaka para sa kalayaang panrelihiyon at kasarinlan.

“Lahat tayo ay bahagi ng isang samahan, ng isang grupo at kahit sa maliit na bagay, mayroon tayong responsibilidad na kailangan nating gampanan para sa ika-uunlad ng ating komunidad.” ani Gob. Suarez.

Ayon sa kasaysayan si Hermano Puli ay bayaning nagmula mismo sa lalawigan ng Quezon na ipinaglaban ang kalayaan sa pananampalataya. Nagpakita ng kagustuhan na maging isang pari si Puli ngunit hindi pinapayagan noong panahon ng mga kastila na maging pari ang isang Indio (tawag sa mga Pilipino) kaya’t siya ay namuno ng isang pangunahing himagsikan laban sa pamamalakad ng mga Kastila sa Pilipinas mula 1832 hanggang sa kanyang kamatayan noong taong 1841 sa pamamagitan ng kanyang itinatag na religious organization na Cofradia de San Jose. Umabot sa 4500 hanggang 5000 ang naging kasapi ng organisasyon at naging matagumpay sa ilang mga labanan kabilang ang pamosong Battle of Alitao kung saan nagapi ng mga sibat at itak nina Puli ang pwersa ng mga baril ng Kastila.

Noong ika-4 ng Nobyembre, 1841, sinalakay ng mga Espanyol ang Cofradia. Inipon ni Puli ang apat na libong mga kasapi sa Alitao at matagumpay na nakipaglaban sa mga Espanyol, ngunit nang dumating ang mga reinforcementsna Espanyol, walang awa nilang minasaker ang mga matatanda, mga babae at mga bata na kasama nila Puli. Nahuli si Puli sa Barrio Guibanga at hinatulang mamatay sa Casa Tribunal ng Tayabas.

Matapos siyang barilin sa edad na 26, ang katawan niya ay kinwarter o pinaghati-hati, inilagay sa mga kawayan at ibinandera sa mga lugar na madaling makita upang maging warning sa mga nag-iisip na mag-alsa. Pinaghiwa-hiwalay ang iba’t ibang parte ng katawan ni Puli, ang ulo ay inilagay sa harap ng bahay niya at ang mga kamay at paa ay inilagay sa apat na sulok ng lucban kung saan pumapasok at lumalabas ang mga tao.

Kaugnay nito, idineklarang special non-working holiday ang November 4 sa buong lalawigan ng Quezon sa bisa ng Proclamation No. 1143 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. bilang pagkilala sa kabayanihan ni Hermano Puli.

Isinalaysay naman ni Committee Chairperson, Atty. Gilbert Camaligan ang ilang pang mga kwento tungkol kay Hermano Puli at kung paano niya inaalay ang kanyang buhay para sa bayan. Ipinahatid rin niya ang kanyang pasasalamat sa mga nagsidalo upang personal na magbigay pugay sa bantayog ng bayani.

Samantala, nakatakda namang mangalap ng mga volunteers mula sa bawat sityo ng lalawigan para sa isinusulong na bagong samahan na tatawaging PULI o Provincial Union of Leaders against Illegality volunteers na tutulong upang siguraduhin ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.

No comments

Latest Articles

OFFICE ADDRESS: Sentinel Times Quezon Province Regional Weekly Newspaper is published at Dau St. Calmar Subd. Brgy. Mayao Kanluran, Lucena City, 4301 Quezon Province, Philippines

TELEPHONE: 042-717-6108

CELL: 0927-938-5896

E-MAIL: contact@sentineltimes.net/
sentineltimes@yahoo.com

WEBSITE: https://www.sentineltimes.net/

SOCIAL MEDIA: @stcalabarzon