Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

EKSPERTO, NAGBIGAY PAALALA SA PUBLIKO HINGGIL SA PINSALANG MAAARI NG IDULOT NG BOX JELLYFISH SA KANILA

Sa papalapit na pag-uumpisa ng panahon ng tag-init o summer season, paniguradong dadagsain na naman ang mga tourist beaches ng mga mamamayang nais na maligo, magtampisaw at enjoyin ang kanilang bakasyon.

Kaya’t doble paghahanda rin ang lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga naturang bakasyunista.

Bukod sa pagkalunod na karaniwang sanhi ng disgrasya sa mga summer outing, pinag-iingat din ng mga eksperto ang publiko laban sa jelly fish o mas kilala sa tawag na dikya o salabay.

Kaugnay nito, sa ginanap kamakailan na unang kwarter na pagpupulong ng Lucena Disaster Risk Reduction and Management Council, isa sa naging tagapagsalita si Dra. Angel Anne Yanagihara, isang associate research professor mula sa –

Dito ay tinalakay nito ang ilang mga kaalaman hinggil sa box jellyfish o karaniwang tinatawag na cuatro cantos dahil sa imahe nitong may apat na sulok o kanto na tila isang kahon.

Sa naging pahayag ni Yanagihara, isa umano sa pinakadelikadong uri ng dikya ay ang box jellyfish.

Ang kamandag aniya nito ang pinakamatindi sa lahat dahilan sa naglalabas ito ng isang selulang tinatawag na "nematocysts" na naglalaman ng lasong maaaring makaparalisa sa puso at nervous system ng biktima.

Sa pananaliksik nito, isa ang lungsod ng Lucena sa mayroong kaso ng namatay dahil sa box jellyfish noong nakaraang taon.

Lubha itong nakakapinsala sa sinumang madaitan ng kamandag nito na nagtataglay ng porins o pore-forming proteins, enzymes na sumisira sa proteins at lipids.

Ayon naman sa peer-reviewed published scientific literature, ang naturang porin ay nakakabutas sa red blood cells ng isang indibidwal.

Kapag nabutasan ang RBC ay tumatagas ang Potassium na nasa loob nito na posibleng makapagpataas ng lebel ng nito sa plasma na nagdudulot naman ng paghinto ng pagtibok ng puso.

Bukod sa katangian at mga posibleng epekto ng box jellyfish, ibinahagi rin ni Yanagihara ang mga maaaring gawin upang makaiwas sa pinsala at masagip ang buhay ng mga biktima ng salabay.

Para sa mga mahihilig aniya na maglangoy sa dagat, tiyaking ang pagliluguan ay ligtas sa senyales ng dikya at mayroong mga nagpapatrolya sa dalampasigan.

Dagdag pa nito, mas makakabuti rin aniya kung magsusuot ng stinging suit o damit na makakaprotekta sa balat katulad ng rash guard, long pants, at pang-itaas na long-sleeves.

Para naman aniya sa mga nasalabay, agad na umalis sa dagat o tulungang makaalis sa dagat ang na-salabay pero siguraduhing protektado din ang balat ng tutulong.

Mainam rin aniya ang pagdadala ng mga posibleng paunang lunas sa nabiktima tulad ng vinegar o suka, ang paglalagay nito sa apektadong balat ng katawan ay makatutulong upang maalis ang galamay at mapahinto ang pagkalat pa ng nematocyst.

Pahayag pa nito, kapag naman huminto ang tibok ng puso o paghinga ng biktima, bigyan agad ito ng artipisyal na resuscitation at agad na dalhin sa hospital.

Sa pamamagitan rin ng kanyang pananalita ay nais niyang mahikayat ang mga may-ari ng resorts na maglagay ng karatula na nagbibigay babala sa mga baasyunista hinggil sa posibleng pagkakaroon ng naturang lamang-dagat sa lugar.

Layunin ng kaniyang pag-aaral na magsagawa ng information/ education drive upang bigyang kamalayan ang mga mamamayan hinggil sa usapin at upang malaman ng mga ito ang posibleng pinsalang dala nito.

Inaasahan naman na sa tulong ng paglalahad ni Yanagihara ay maging bukas ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga namumuno sa bawat barangay na magsagawa ng mga programa na kung saan ay tatalakayin at ipararating sa mga ito ang naturang isyu. (PIO-Lucena/M.A.Minor)

Loading...