TAYABAS CITY, Quezon (PIA) - Ginunita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon noong Nobyembre 4 sa Hermano Puli Shrine ang ika-175 na taon ng...
TAYABAS CITY, Quezon (PIA) - Ginunita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon noong Nobyembre 4 sa Hermano Puli Shrine ang ika-175 na taon ng kabayanihan ni Apolinario dela Cruz na mas kilala bilang ‘Hermano Puli’. Tampok sa pagdiriwang ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Puli sa nasabing lugar na inaasahang dadaluhan ng libong katao na binubuo ng mga mag-aaral, mga kawani ng lokal at nasyonal na pamahalaan, mga samahan at maging ng mga opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Quezon Governor David Suarez. Deklaradong local holiday sa lalawigan ng Quezon kapag Nobyembre 4 upang gunitain ang kabayanihan ni Puli noong siya ay nabubuhay pa. Ayon sa pananaliksik ng historian na si Ryan Palad, isinilang si Apolinario dela Cruz noong Hulyo 22, 1815 sa Lukban, Tayabas (ngayon ay Quezon) kina Pablo dela Cruz at Juana Andrea. Tinatawag si Puli na maglingkod sa Diyos, at nasumpungan niya ito sa Orden Hospitaller ng San Juan de Dios sa Intramuros na tanging tumatanggap ng mga indio bilang donado at relihiyoso. Masasabing noong 1830s ay ilang mga buwan muna siyang namalagi sa Maynila, partikular sa San Juan de Dios, bago muling napagpasyahang umuwi sa Lucban. Sa Lucban, dahil sa mga gawaing pansimbahan na kanilang kinagisnan at isinasabuhay, at dahil naging pamilyar kay Puli ang iba’t-ibang Confradia sa Maynila (noong una siyang lumuwas) ay bubuuin nila ang Confradia ni San Francisco (de Asis) at ng Nuestra Senora Virgen del Rosario noong 1832. Halos wala pang isang taon matapos mabuo ang Cofradia ay muling lumuwas si Puli sa Maynila noong Oktubre 4, 1833 upang ihingi ang Cofradia ng lisensiya sa Ilustrisimo, “at nang huwag baga tayong masita ng mgapuno rito” sabi pa ni Puli. Noong ika-20 ng Abril 1835 o tatlong taon nang aktibo ang Cofradia ay ipapahayag ni Puli ang kanyang pag-alis sa Cofradia, aniya ‘para hanapin ko ang ating lalong kabuhayan sa kumbento ng San Juan de Dios, at ang isa pa roon ay hindi ko masuway ang utos ng may kaibigan”. Noong ika-2 ng Mayo 1835 ay dumating at agad na tinanggap si Puli sa San Juan de Dios, Intramuros at kinabukasan ay ipinadala sa Isla de la Convalecencia na ngayon ay Hospicio de San jose (sa Ayala Bridge, Maynila). Wala sa kwentong ito na tinanggihan siyang magpari dahil sa San Juan de Dios ay agad naman siyang tinanggap. Lumipat sa Alitao sina Puli matapos ang tagumpay sa Isabang. Dumating naman ang mga hukbong tutulong sa pamahalaang kastila para labanan ang mga kasapi ng Cofradia kung saan noong Nobyembre 1, 1841 ay naganap ang malagim na masaker sa mga kasapi ng Cofradia sa Alitao. Ilang daang mga kasapi, babae, matanda at bata ang walang awang pinagpapatay. Nakatakas si Puli pero nahuli rin sa Gibanga, Sariaya noong Nobyembre 2, 1814. Nilitis kinabukasan at nahatulan ng kamatayan. Binaril si Puli sa Tayabas at pinaghati-hati ang katawan bilang babala sa mga nais lumaban sa gobyerno noong Nobyembre 4, 1841. (MCA/RO/PIA-Quezon) - See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/701478161877/ika-175-taon-ng-kabayanihan-ni-hermano-puli-idaraos-sa-quezon-#sthash.8XejuxUo.dpuf



No comments