Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

HELP program tampok sa State of the Province Address ng Batangas

by Mamerta P. De Castro

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) - Isinagawa ni Governor Hermilando Mandanas ang kanyang state of the Province Address noong ika-25 ng Enero sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

Tampok sa kanyang SOPA ang mga programa sa ilalim ng HELP o Health, Education, Livelihood at Protection of Life and Prosperity na siyang pangunahing agenda ng kanyang pamamahala.

“Mula sa P616M budget ng pamahalaang panlalawigan para sa programang pangkalusugan, naitaas ang budget nito sa P697M kung saan kabilang dito ang pag-hire ng permanenteng health personnel at pagdadagdag ng honorarium ng ating mga health worker. Alinsabay nito, na-streamline na rin ang sistema ng serbisyong medikal lalo na sa mahihirap na pasyente at matatanggap na ng mga volunteer workers ang Provincial Health Card na maaaring magamit sa 12 district hospitals sa buong lalawigan. Nagkaroon din ng ordinansa na ipinasa ng ating Sangguniang Panlalawigan kung saan institutionalized na ang pagbili ng mga gamot sa lahat ng district hospitals upang masiguro na ang suplay ng gamot ay hindi mauubos bukod pa sa mababang presyo nito.”, ani Mandanas.

Ayon pa kay Mandanas, sa larangan naman ng edukasyon ay pinilit nilang mapataas at madagdagan ang bilang ng scholars sa lalawigan. Sa kasalukuyan may 7,627 scholars ang nakikinabang sa P5k educational assistance na ibinibigay ng pamahalaang panlalawigan. Kasunod nito ay nagdagdag ng P100M para sa 2017 budget upang mas maraming kabataang Batangueno ang makapagpatuloy ng pag-aaral at mapaunlad ang kanilang buhay at kinabukasan.

Sa larangan naman ng social service mula sa P46M pondo ay napagkalooban ang 10,585 pamilya ng medical assistance at 1,871 naman sa burial assistance.

Sa pamamagitan ng ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay ng State of Calamity declaration matapos maranasan ng lalawigan ang bagyong Nina noong Disyembre 2016, may 10,271 pamilya o 22,019 katao ang nakinabang sa P42M Quick Response fund. Muli sa pamamagitan ng SP ay naipasa ang ordinansa kung saan may direct cash transfer system na magbibigay ng iba’t-ibang uri ng social assistance sa mga Batangueno.

Isa din sa binibigyang prayoridad ang programang pangkabuhayan kung saan inaasahang magbibigay ng maraming trabaho at hanapbuhay ang mga economic enterprises na nakalatag sa lalawigan tulad ng Batangas Logistics International Port, konstruksyon ng paliparan sa lalawigan, Batangas Food terminal sa bahagi ng Brgy. Sta. Rita at paglalagay ng railroad system. Hindi lamang trabaho ang ibibigay nito sa mga Batangueno kundi ang oportunidad na maitaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay.

Naipasa din ang isang resolusyon kung saan ang Batangas Port Livelihood Center (BPLC) ay maaring maging bahagi ng BOT project kung saan pwede itong gawing hotel,restoran,event center o pasalubong center.

Ang 5% naman ng 70% Disaster fund ng lalawigan ay sinimulan na para sa pagbili ng mga kagamitang magagamit bilang paghahanda sa kalamidad tuald ng mga support equipments. Sinimulan na rin noong isang taon ang bidding para sa bagong gusali na gagamitin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council. Bukod sa kagamitan, may bahagi rin ang pondo na gagamitin upang maisaayos ang ilang mga imprastraktura sa mga munisipalidad.

Sa huli ay nagpahayag ng pasasalamat si Mandanas sa patuloy na pakikibahagi ng mga Batangueno tungo sa lalong pagpapaunlad ng lalawigan kung saan palagi niyang sinasabi na ang Batangas ay mayaman at dapat na ang yaman ng lalawigan ay mapakinabangan ng mga Batangueno at maipakita hindi lamang sa buong Pilipinas kundi maging sa buong mundo. (GG/BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/631485508008/help-program-tampok-sa-state-of-the-province-address-ng-batangas#sthash.vf8Ots3g.dpuf

0 comments:

Post a Comment


Loading...