By Nimfa L. Estrellado June 24, 2017 Second District Representative Vicente “Kulit” Alcala Lucena City, Quezon - “Walang halong...
June 24, 2017

Second District Representative Vicente “Kulit” Alcala
Lucena City, Quezon - “Walang halong pulitika, bukas para sa lahat, walang pipiliin at maging mga dayuhan ay paglilingkuran at tatanggapin sa District Hospital na kasalukuyang ginagawa sa Sariaya, Quezon,”
Ito ang tiniyak at binigyang diin ni Second District Representative Vicente “Kulit” Alcala sa isang panayam dito kamakailan ukol sa kanyang priority project na layuning mapangalagaan ang kalusugan at mga pangangailangang medikal ng mga mamamayan sa ikalawang distrito ng Quezon.
Ayon sa mabait at magaling na kongresista, basta’t ukol sa usaping pangangalaga sa kalusugan ay tatanggapin sa naturang ospital, kahit na yaong mula sa iba’t ibang lugar na aabutin ng pagkakasakit dito ay hindi tatanggihan.
Binigyang-diin ni Rep. Alcala na kaya pinagsikapan niyang makapagpagawa ng ospital sa nasabing lugar ay sa dahilang dumarayo pa sa Batangas at Laguna ang mga residente mula sa Dolores, San Antonio, at Tiaong at iba pang lugar upang magpagamot o magpa-ospital.
“Sinikap nating bigyang katuparan ang proyektong ito para naman mas malapit na ito sa mga residente ng mga nabanggit na lugar. Katuparan ito ng aking hangarin na mailapit sa tao ang mga basic services tulad ng mga pasilidad sa ospital,” dagdag na paliwanag ni Rep. Alcala.
Puspusan na ang konstruksyon ng nasabing ospital at inaasahang matatapos ito sa takdang panahon.
Simula nang maluklok sa pwesto bilang kinatawan ng Quezon Second District, marami na siyang mga proyektong pang-imprastraktura na naisagawa, tulad ng mga tulay, gusaling paaralan, farm-to-market-roads, at iba pa.
Ang pagpapagawa ng nasabing ospital ay sadya umanong nakaplano, nakalinya na bilang prayoridad ng kongresista upang pangalagaan at paunlarin ang pamumuhay ng mga kababayan sa segunda distrito at sa iba pang panig ng Quezon.
Kaya naman ayon na rin mismo sa mga taga segunda distrito, mapalad sila sa pagkakaroon ng isang Rep. Vicente Alcala sapagkat ang mga proyekto at programang isinasagawa nito ay naglalayong maibigay sa kanila ang mga pangunahing serbisyong kailangan ng bawa’t mamamayan.
No comments