Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

Mayor Alcala dumalo sa induction ng mga bagong opisyales ng GPTA ng Day Care Center



LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Dumalo bilang inducting officer si Mayor Roderick “Dondon” Alcala sa isinagawang induction ng mga bagong opisyales ng General Parent and Teachers Association ng lahat ng Day Care Centers sa Lucena.

Ginanap ang naturang aktibidad na ito sa compound ng DPWH-Quezon II District Office sa bahagi ng Brgy. Ibabang Dupay na kung saan ay nakasama rin ng alkalde ang kaniyang pinsan na si Mam Vinette Alcala na siyang nagrepresenta naman sa kaniyang ama na si Congressman Vicente “Kulit” Alcala.


Lucena Mayor Roderick “Dondon” Alcala
Aabot sa tinatayang mahigit na 300 mga magulangin at mga guro ng lahat ng day care centers sa lungsod ang nakibahagi rito.

Sa isinagawang programa dito, nagbigay ng mensahe ang hepe ng City Social Welfare and Development Office na si Malou Maralit sa mga dumalo at binigyang pasasalamat nito si Mayor Alcala dahilan sa walang sawang pagtulong at pagsuporta nito sa lahat ng kanilang mga programa at proyekto.

Sa naging mensahe naman ni Mayor Dondon Alcala, binigyang pagbati nito ang lahat ng mga bagong hirang na opisyales ng samahan.

Gayundin, inihayag rin niya ang ilang mga programa at proyekto para sa sector ng day care center sa Lucena tulad ng paglilibre sa tuition ng mga ito. Buong ipinagmalaki rin ng punong lungsod na ang lahat ng mga guro sa day care centers ng Lucena ay magagaling at maayos gayundin ay dalubhasa na sa larangang ito.

Bukod dito binigyang pasasalamat rin ng alkalde ang lahat ng mga magulang na tumangkilik sa day care center program ng pamahalaang panlungsod dahilan sa ginawang pagtitiwala ng mga ito.

At dahil dito, ipinahayag rin ni Mayor Alcala na mas pagbubutihin at mas pagagandahin pa ng city government ang mga serbisyong ipinagkakaloob sa lahat ng mga day care centers sa Lucena.

Sa pagtatapos ng pananalita ng alkalde, isang kahilingan rin ang sinambit nito sa lahat ng mga nagsipagdalo dito at ito ay ang pagiging aktibo ng mga ito sa lahat ng mga programa at proyektong ipinatutupad ng GPTA sa day care.

Matapos nito ay isinunod na ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyales ng General Parent and Teachers Association ng lahat ng day care centers sa Lucena bilang hudyat ng kanilang pagsisimula sa tungkulin.

Ang mga ganitong uri ng programa na inihahatid ni Mayor Dondon Alcala para sa lahat ng mga kabataang nag-aaral sa day care centers sa Lucena ay ilan lamang sa pagnanais niya na mabigyan ng maayos at de kalidad na edukasyon ang mga ito lalo pa sa pagsisimula ng kanilang pag-aaral na isa sa pinakamahalagang antas na kanilang lakbayin bilang isang estudyante. (PIO Lucena/ R. Lim)

0 comments:

Post a Comment


Loading...