Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

Gob. Suarez, nakiisa sa Cabbage Harvest Festival sa bayan ng Sariaya



LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Personal na nagtungo ang ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez sa Brgy. Mamala 1, bayan ng Sariaya upang makibahagi sa selebrasyon ng Cabbage Harvest Festival na isinagawa nitong unang araw ng Marso.

Sabay-sabay na nag-ani ng mga tanim na repolyo at ilan pang pananim sina Gob. Suarez at mga magsasaka na kabilang sa Samahan ng Industriya ng Paggugulayan sa Quezon kung saan nagsagawa rin ng pamamahagi ng mga kagamitang pang-agrikultura.

Dito, nagbigay ng mensahe at inspirasyon ang pangulo ng Samahan ng Magtatanim ng Gulay ng Mamala 1 na si Gng. Emilia Rosales na mayroong pitong anak na napagtapos ng kolehiyo dahil sa pagtatanim. Ipinagmalaki rin ni Gng. Rosales na isa sa kanyang mga anak ay naging bahagi ng Serbisyong Suarez Scholarship Program na nagbigay ng malaking tulong sa kanilang pamilya.

Dagdag pa ni Rosales, bilang tumatayong pangulo ng kanilang samahan, ang mga pagsasanay na kanyang pinagdaanan sa tulong na rin ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ang isa sa mga naging daan upang mas lumawak pa at maisabuhay niya ang kanyang kaalaman ukol sa mga good agricultural practices ng pagsasaka.

Ayon naman kay Gob. Suarez, nakikita sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng mga programang pang-agrikultura ang kahalagahan at importansya na ginagampanan ng mga magsasaka sa lalawigan.

“Sa mga ganitong programa, narerealize natin hindi lamang yung kahalagahan ng ating agrikultura, ngunit kung gaano rin po kahirap ang maging isang magsasaka. Na pagdating po talaga sa kaunlaran ng ating lalawigan, ito po ang nagsisilbing pundasyon nating lahat. Na kung hindi po natin palalakasin, patitibayin, kung hindi po natin bibigyan ng wastong suporta, ay magiging mahuna ang pag-unlad ng ating lalawigan.” pahayag ni Gob. Suarez.

Ibinahagi rin ng gobernador ang kanyang pagkilala at pasasalamat sa mga magsasakang patuloy na nag-aangat sa estado ng vegetable production sa Lalawigan ng Quezon. Aniya, ang sikreto sa paglutas ng kahirapan ay sipag, tiyaga at pagtutulungan.

“Ang solusyon sa kahirapan ay sipag. Biniyayaan ang lalawigan na mayaman sa lahat ng bagay, sa tubig, sa lupa. So, ang kailangan lang natin ay sipagan, galingan, wag mawalan ng pag-asa. Siguradong mabubuhay tayo at pwede rin tayong umunlad. Ang mahalaga nagtutulungan tayo.” pagtatapos ng gobernador. (Quezon – PIO)

Loading...