LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal - Nakuha ng Antipolo City Government ang Bronze Award ng Gawad Kalasag 2016 mula sa Department of the Interior a...
LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal - Nakuha ng Antipolo City Government ang Bronze Award ng Gawad Kalasag 2016 mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kamakailan dahil sa mga kagamitan at plano sa paghahanda para sa kaligtasan ng mga Antipolenyo tuwing at pagkatapos ng sakuna o kalamidad.
Kabilang ang Antipolo City sa limang napiling lungsod sa Calabarzon na nabigyan ng field evaluation ng DILG noong Setyembre 1 kung saan napuri ang lungsod sa environmental management, engineering efforts at safety measures nito pagdating sa sakuna at kalamidad. Dagdag puntos din ang pinalawak na relocation program upang ilayo ang mga mamamayan sa kapahamakan.
Ibinahagi ni Mayor Jun Ynares ang parangal sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na syang katuwang ng lokal na pamahalaan sa paghahanda sa kaligtasan ng publiko. “Hindi po natin makakamit ang parangal na ito kung hindi dahil sa mga kawani ng CDRMMO sa walang kapagurang pagsuong ng kanilang mga sarili sa oras ng pangangailangan.
Nagpapasalamat po ako sa pagpapakita nila ng kahandaan at mabilis na aksyon upang maiwasan ang peligro tuwing sakuna at mapanatiling ligtas ang ating mga mamamayan," dagdag ni Ynares. Ayon pa sa alkalde, patuloy ang pamahalaang lokal sa pagpapaunlad at pagsasanay sa mga kawani ukol sa kaligtasan para sa kapakanan ng mga Antipolenyo. Nakapagbigay na ang CDRRMO ng 70 seminars tungkol sa disaster preparedness sa mga establisyimento, paaralan, resorts, barangay at subdivisions. Kasama rin dito ang pagsasagawa ng mga drill bilang paghahanda sa “The Big One” na maaaring dumating ano mang oras. Tinutukan din nila ang mga lugar sa Antipolo na madaling magbaha at magkaroon ng landslide upang masiguradong ligtas ang mga malalapit na residente dito. Nakatakdang isagawa ang awarding ceremony ng Gawad Kalasag 2016 nitong Nobyembre. (N. Leyva, Antipolo PIO/ PIA-Rizal)



No comments