by CIO-SPC/PIA/GG SAN PABLO CITY, Laguna (PIA)-- Pinarangalan bilang 2016 Model Local Chief Executive si Mayor Loreto S. Amante dahil ...
by CIO-SPC/PIA/GG
SAN PABLO CITY, Laguna (PIA)-- Pinarangalan bilang 2016 Model Local Chief Executive si Mayor Loreto S. Amante dahil sa kanyang mahalagang kontribusyon sa pag-unlad at pagsulong ng mataas na edukasyon sa local na pamahalaan.
Si mayor Amante ay gumaganap na pinuno ng Board of Regents ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo. Ang parangal ay iginawad noong ika-10 ng Oktubre taong kasalukuyan kaalinsabay ng 9th Association of Local Colleges and Universities Commission on Accreditation (ALCUCOA) National Conference na ginanap sa Mini-Theater, University of Makati na may temang “Understanding Quality Assurance in the Context of Local and International Standards and Practices”.
Isa si mayor Amante sa limang lokal na pinuno mula sa Urdaneta City, Pangasinan; Mabalacat City, Pampanga; Capalog, Davao del Norte at La Carlota, Negros Occidental na nabigyan ng pagkilala ng ALCUCOA sa pamumuno ni Dr. Raymundo P. Arcega, President & Executive Director. Ang DLSP ay isa rin sa mga miyembro ng may isang daan at limang kolehiyo at unibersidad sa buong Pilipinas. Matatandaan na nagsimulang magbukas ang DLSP noong July 2, 1977 sa pagtataguyod ni dating Punong Lunsod Vicente B. Amante, ama ng kasalukuyang namamahala, kung saan mayroon lamang 401 mag-aaral at 21 faculty members. Sa patuloy na pagtataguyod ni Punong Lunsod Loreto Amante sa nasimulan ng kanyang ama, mayroong mahigit na 15,000 ang napagtapos ng DLSP at may 131 faculty members. Halos lahat ng nagtapos sa iba’t-ibang kurso sa DLSP ay mayroon ng magandang trabaho hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa iba’t-ibang panig ng mundo. (CIO-SPC/PIA/GG)
No comments