By Ruel Orinday March 28, 2020 Binisita ni Quezon Gob. Danilo Suarez ang warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Atimonan Marso 2...
March 28, 2020

Binisita ni Quezon Gob. Danilo Suarez ang warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Atimonan Marso 25 upang matiyak na may sapat na suplay ng bigas ang lalawigan habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine. Lahat ng bayan at siyudad ay may nakalaang 200 sako ng bigas na ipamamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon. (Photo from Quezon Province FB page)
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Mamahagi ng tig-200 sako ng bigas ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa lahat ng bayan at siyudad sa lalawigan bilang tulong sa mga mamamayan sa kabila ng ipinapatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID)-19.
Nakatakdang ipamahagi ang nasabing mga sako ng bigas simula ngayon linggo hanggang sa mga susunod na linggo sa lahat ng mga bayan at siyudad sa lalawigan.
Ayon sa tanggapan ng Quezon Public Information Office, ang mga bigas ay dadalhin sa mga munisipyo at pagkatapos ay ipamamahagi naman ng mga lokal na pamahalaan sa mga barangay hanggang sa makarating ito sa mga lokal na residente ng barangay.
Nauna rito, binisita ni Quezon Gov. Danilo Suarez ang warehouse ng National Food Authority sa Atimonan Marso 25 upang tiyakin na may sapat na suplay ng bigas sa lalawigan sa panahong ipinapatupad ang ECQ.
Bukod dito, ang pamahalaang panlalawigan ay nagbigay din ng P100,000 sa mga lokal na pamahalaan sa iba't-ibang bayan sa bilang financial aid na gagamitin sa mga programa o kampanya laban sa paglaganap ng COVID-19.
Base sa huling tala ng Integrated Provincial Health Office, ang lalawigan ng Quezon ay may tatlong kaso ng COVID-19 at isa dito ay stable na.
Dahil dito, minabuti ng pamahalaang panlalawigan na paigtingin pa ang kampanya laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, nauna nang nagbigay ng bigas ang mga barangay at mga lokal na pamahalaan sa mga residente ng kanilang nasasakupan. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments