By Ruel Orinday April 24, 2020 LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon - Sinimulang ipatupad ngayon araw na ito, Abril 21 ng lokal na pamahalaan ...
April 24, 2020

LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon - Sinimulang ipatupad ngayon araw na ito, Abril 21 ng lokal na pamahalaan ng Tayabas City ang 24 hours curfew bilang isa sa mga hakbangin laban sa banta ng COVID-19.
Ayon sa City Information and Community Relations Office ng Tayabas City, sa pamamagitan ng video na inilabas sa FB page Pabatid Para sa lahat ng Tayabasin, mahigpit na ipatutupad ang 24 hours curfew sa buong lungsod ng Tayabas.
Ang mga taong mahuhuling pakalat-kalat at lalabag sa kautusang ito ay pagmumultahin ng P2,000 o pagkakakulong ng limang buwan o parehas para sa unang paglabag at sa pangalawang paglabag ay P5,000 o pagkakalong ng isang buwan o parehas.
Ang mga batang mahuhuling pakalat-kalat ay dadalhin naman sa lokal na tanggapan ng DSWD at sasaillalim sa counselling.
Ayon pa sa City Information and Community Relations Office, ang tanging makalalabas lamang ng bahay ay ang mga medical health workers at mga authorized persons na tutupad sa kanilang mga tungkulin.
Makalalabas din naman ng bahay ang mga lokal na residente sa takdang oras at araw ng kanilang pamimili sa palengke at mga botika gamit ang kanilang quarantine pass.
Ang 24 hours curfew ay magkakatuwang na ipatutupad ng Tayabas City PNP, mga punong barangay at traffic enforcers alinsunod sa City Ordinance No. 20-13.
Samantala, ayon sa tala ng Quezon Public Information Office noong Abril 20, ang lungsod ng Tayabas ay may walong kaso (confirmed positive cases) ng corona virus disease kung kaya't inaasahan ang mahigpit pang pagpapatupad ng mga preventive measures sa paglaban sa COVID-19 kagaya ng curfew hours, social distancing at paggamit ng facemask. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments