Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

Agrikultura sa Laguna layong palakasin matapos ang ECQ

By Joy Gabrido
April 30, 2020



Layon ni Laguna Gov. Ramil L. Hernandez na palakasin ang agrikultura bilang bahagi ng rehabilitasyon kapag natapos na ang umiiral na Extended Enhanced Community Quarantine o ECQ. (Larawan mula sa DA CALABARZON FB Page)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna – Layon ni Laguna Gov. Ramil L. Hernandez na palakasin ang agrikultura bilang bahagi ng rehabilitasyon kapag natapos na ang umiiral na Extended Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Sa panayam kay Gov. Hernandez sa programang Laging Handa Network Briefing ng Presidential Communications Operations Office o PCOO na pinangungunahan ni Communications Secretary Martin Andanar, nabanggit niya na isa sa nais nilang pagtuunan ng pansin sa rehabilitasyon ng probinsya ng Laguna matapos ang ECQ ay ang pagpapabuti ng agrikultura.

“Sa ngayon po naka-focus tayo sa present situation dito sa Laguna pero immediately after this part po ng plano natin talaga ay iyon pong rehabilitation po ng nagging epekto nitong crisis sa ating lalawigan at isa ng apo sa nais nating palakasin dyan ay iyong atin pong agrikultura,” paliwanag ng Gobernador.

Aniya batid ng Pamahalaang Panlalawigan na may mga kasalukuyang proyekto na sa lalawigan ang DA subalit hiniling niya kay Sec. Dar na sa oras na malagpasan ang kasalukuyang sitwasyon ay mabigyang prayoridad ang Laguna para sa rehabilitasyon partikular sa aspekto ng agrikultura.

___ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW___




“Sana po ang Lalawigan ng Laguna bilang bahagi po ng Calabarzon na alam naman natin na pangalawa sa NCR na talagang lubhang tinamaan ng crisis ay ma-prioritize po na makapag-avail ng mga program po ng DA (Department of Agriculture),” pakiusap ni Gov. Hernandez.

Aniya nakikita ng Pamahalaang Lalawigan na lubhang maaapektuhan ang sektor ng turismo sa probinsya dahil sa pandemyang Coronavirus Disease o COVID 19, kaya naman bilang alternatibo ay plano nilang palakasin ang sektor ng agrikultura rito.

Dagdag pa ng gobernador, dahil sa dinaranas na krisis ay malaki ang posibilidad na magiging ‘less priority’ na ng mga tao ang mga akdibidad na may kinalaman sa turismo.

Bilang tugon, siniguro naman ni Sec. Dar na ang lahat ng mga rice farmer sa probinsya ay kasama sa mga tutulungan sa nalalapit na panahon ng tag-ulan.

“Saka palalakihin rin po natin ang vegetables and fruits production, tutulong po tayo diyan,” pagsisiguro ng Agriculture Secretary.

Kanya namang hinikayat ang lahat na makiisa sa programang “Plant, Plant, Plant.” Aniya “dapat involve lahat ng mamamayan para maitaas ang antas ng food security level ng bansa.”

Ang “Plant, Plant, Plant Program” o “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Laban sa Covid-19” ay layong kumbinisihin ang mga mamamayan na magtanim ng sarili nilang pagkain para masiguro ang household food security. (Joy Gabrido)

Powered by Google



0 comments:

Post a Comment



–>