By Charmaine Odong April 30, 2020 Nakapanayam ni Sec. Martin Andanar si Sangguniang Kabataan Federation President - John Patrick Cambe s...
April 30, 2020

VICTORIA, Laguna - Naglatag ng mga aksyon kontra COVID-19 ang Sangguniang Kabataan Federation President mula sa bayan ng Victoria, Laguna.
Ibinahagi ni SK Federation President John Patrick Cambe ang kanilang mga isinagawang hakbang upang makapagbigay ng karagdagang serbisyo at tulong sa mga kababayan sa Laging Handa Network Briefing ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar.
Aniya, isa sa kanilang naging programa ang pagbabahagi ng hygiene kits sa mga nasasakupan dahil isa ito sa pangunahing kailangan ng mga residente.
Dagdag pa ni Cambe, ay naglabas sila ng budget upang maging pandagdag pondo sa mga relief operation para sa bawat barangay bilang bahagi ng kanilang aksyon para makatulong sa Lokal na Pamahalaan.
Gayundin ay isinantabi na at isinakripisyo ang mga nakalaang budget para sa sports, travel expenses at seminars upang patuloy na masuportahan ang mga residente kaugnay ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.
Makakaasa rin ang kanilang mga kababayan na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mga tungkulin lalong lalo na sa panahon ng pandemyang ito, kaya naman hinihiling ni Cambe sa mga kababayan niya na sundin ang mga panuntunan na ibinibigay ng Lokal na Pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.
Kaugnay ng kanyang mensahe, pinaaalalahanan ni Cambe ang mga kababayan na makipagtulungan sa pamahalaan, manatili sa loob ng bahay upang makamit at makatulong na masugpo ang nakahahawang sakit upang sa huli ay sabay-sabay nating mapagtagumpayan ang laban kontra COVID-19. (CAO/PIA4A)
No comments