by BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS/GG LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas --- Muling nagpamalas ng pagkakaisa ang sambayanang Tanaueño matapos ...
by BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS/GG
LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas --- Muling nagpamalas ng pagkakaisa ang sambayanang Tanaueño matapos ang matagumpay na pagdaraos ng "Alay Lakad 2016" noong Sabado, Oktubre 22, 2016 kung saan humigit kumulang na P200k ang nakalap na pondo.
Sa temang "May Pag-asa ang Kabataang Tanaueño", libo-libong kasapi ng ibat-ibang mga samahan at organisasyon sa lungsod ang nagpahayag ng pagsuporta at nakilahok sa isinagawang martsa na nag-umpisa sa Plaza Mabini at nagtapos sa Tanauan City Hall.
Layunin ng Alay Lakad Foundation (Tanauan City Chapter), Inc. ang makalikom ng pondo na dagdag pantustos sa libreng “technical-vocational” trainings at scholarship programs para sa mga "out-of-school youth" ng lungsod.
Nanguna sa nasabing "fund-raising walk" ang Junior Chamber International (JCI) Tanauan LauBini na siyang natalagang organizer. Kabilang din sa lumahok ang Liga ng mga Barangay, Liga ng mga Barangay Secretaries, KALIPI o Kalipunan ng Liping Pilipina, ERPAT o Empowerment and Re-affirmation of Paternal Abilities, Solo Parents Association, Tanauan City Lions Club, Child Development Workers, Tanauan Water District, Violence Against Womena and Children Desk, DepEd Division of Tanauan City, Zumba Ladies of Tanauan, at ilang pribadong establisimiyento kagaya ng Max's Restaurant at Gonzales Medical and Children's Hospital.
Buong puwersa ring nakiisa ang mga empleyado ng ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Antonio C. Halili, Vice Mayor Atty. Jhoanna C. Corona at ang mga miyembro ng Sanggunian Panlungsod (SP).
Bukod sa tradisyunal na raffle at Search for Lakambini ng Alay Lakad, naging panauhing pangdangal si 3rd District Representative Maria Theresa collantes na nagpahayag ng suporta sa mga layunin ng naturang programa.(BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS/GG)
No comments