By Bhaby De Castro May 8, 2020 Patuloy ang Department of Agriculture sa pamamahagi ng certified hybrid seeds, fertilizer, at iba't ...
May 8, 2020

LUNGSOD NG BATANGAS - Patuloy ang Department of Agriculture (DA) Region 4A sa pagpapaigting ng programang pang-agrikultura sa Calabarzon bagamat nasa ilalim ng extended enhanced community quarantine (EECQ) ang buong rehiyon.
Sa isinagawang virtual presser kahapon na pinangunahan ni DA Regional Director Engr. Arnel de Mesa, sinabi nito na puspusan at patuloy ang ginagawang pagkilos ng kanilang ahensya upang makapaghatid ng serbisyo partikular sa programang pang-agrikultura.
“Mula noong unang ipatupad ang ating ECQ hanggang Mayo 4, 2020, nakapagbigay tayo ng 5,689 food pass sa buong rehiyon. Mayroon ding 28,235 rice farmer beneficiaries ang nabigyan ng ayudang P5K bawat isa sa ilalim ng Financial Subsidy for Rice Farmers. Ang programa ay para sa mga magsasakang may sinasakang lupain isang ektarya pababa na nakalista sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA) at hindi kabilang sa Rice Farmers Financial Assistance Program (RFFAP)," ani De Mesa.
Samantala, sa ilalim ng Rice Resiliency Project, patuloy ang pamamahagi ng certified hybrid seeds at fertilizer bilang paghahanda sa wet cropping season. Kaugnay nito, may 14,000 kilo ng iba’t-ibang uri ng butong gulay ang naipamahagi sa pamamagitan ng city/municipal agriculture office at APCO bilang bahagi ng pagsusulong ng urban agriculture program ng Kagawaran.
Marami na ding mga KADIWA mobile markets ang umiikot sa iba’t-ibang lugar katuwang ang pribadong sektor na nagbebenta ng sariwa, mura at masustansyang gulay at isda upang maiwasan ang pakikipagsiksikan at masanay sa pagsasagawa ng social distancing.
Ayon pa kay De Mesa patuloy din ang pagkakaloob ng relief and recovery program para sa mga nagdaang naging biktima ng African Swine Fever (ASF) at Taal Volcano eruption.
"Sa kabila ng kinakaharap na pandaigdigang problema kaugnay ng pandemic, hindi dapat mapabayaan ang sektor ng agrikultura na kinakaharap din ang naging epekto ng mga nagdaang problema," pagtatapos ni De Mesa. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
No comments