Flash News
Mail Instagram YouTube YouTube
CALABARZON

LGU Majayjay nagbigay 'SAClolo sa naSACtan'

By Joy Gabrido
May 7, 2020


Ang programang ‘Yorme’s SAClolo sa NaSACtan’ ay ang pagbibigay ng mga food package sa lahat nang pamilya na hindi napasama sa anumang programa ng gobyernong nasyunal na nagbibigay ng cash subsidy. (Larawan mula sa LGU Majayjay)




BAY, Laguna - Upang matulungan ang mga mamamayan ng Bayan ng Majayjay na nabigong makatanggap ng anumang cash assistance, inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Majayjay ang programang ‘Yorme’s SAClolo sa NaSACtan.’

Ang mga hindi nag-qualify na tumanggap ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng anumang ahensya ng gobyerno, nagsagot man o hindi ng Social Amelioration Card (SAC), ay binigyan ng alternatibong tulong ng lokal na pamahalaan dahil ang lahat naman aniya ay apektado ng pandemyang dulot ng Coronavirus Disease o COVID-19, ayon kay Mayor Jojo Clado.

“From the very start na nag-materialize ang SAP program ng national government at nang malaman namin na hindi naman pala lahat mabibigyan, ini-expect ko na magkakaproblema sa dulo. Maraming magagalit at maraming masaSACtan. Dun nabuo ang concept na ito,” sinabi ni Mayor Clado.

Aniya lahat naman ay apektado sa kasalukuyang krisis na nararanasan sa bansa, mayaman man o mahirap aniya ay pare-parehong namromroblema sa pandemyang kinakaharap.

“Ako bilang Mayor ay naniniwala na dapat may equity sa governance. Hindi man matumbasan ang ayuda ng national government na P6,500, ang importante walang magugutom na pamilya sa bayan ko.”

Kaya naman sinabi ng Alkalde na ang lahat nang hindi nakatanggap ng ayudang pinansyal mula sa pamahalaang nasyunal ay ang lokal na pamahalaan na ang siyang bahala.

Ang programang ‘Yorme’s SAClolo sa NaSACtan’ ay ang pagbibigay ng mga food package sa lahat nang pamilya na hindi napasama sa anumang programa ng gobyernong nasyunal na nagbibigay ng cash subsidy.

“Anuman ang estado sa buhay, mayaman ka man o mahirap, SSS/GSIS/PVAO pensioners, teachers, government o barangay officials, at lahat nang hindi isinama sa amelioration tulad ng mga stranded at hindi botante na narito sa bayan ay tutulungan po namin sa pamamagitan ng pagbibigay ng food packages per household.”

Ang bawat food package ay naglalaman ng isang (1) cavan o 50 kilo ng bigas at assorted canned goods.

___ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW___




Nagbigay rin aniya ang lokal na pamahalaan ng konsiderasyon sa mga senior citizen na nakakuha lamang ng P3,000 halaga ng social pension. Dahil ito aniya ay kulang pa sa gastusin ng mga matatanda para sa kanilang kinakailangang gamot.

Sila naman ay pinagkakalooban ng kalahating cavan ng bigas, assorted goods, gatas at biskwit sa bawat sambahayan.

“Hindi po sakop ng programang ito ang SAP beneficiaries, 4Ps, DA/OWWA/DOLE/LTFRB/DTI beneficiaries dahil mas malaki naman po ang nakuha nilang ayuda mula sa national government,” paglilinaw ng Alkalde.

Ang pondo ng naturang programa ay nagmula sa pinagsama-samang mga ayuda ng National Government, National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, at mga pondo ng pamahalaang lokal na kanilang naipon

Kasama rin ang pondo na mula sa mga proyektong kinansela tulad nang halagang gagastusin dapat sa kanilang festival at iba pa. May mga isinama rin aniyang mga donasyon mula sa mga kababayan na nandirito at nasa ibang bansa.

Ang lahat ng mga nabanggit ay inilaan upang makadagdag pa at mabigyan aniya ng “malufet na assistance” o masaganang ayuda ang kanilang mga kababayan.

Humigit kumulang 3,700 mga pamilya ang makakatanggap at makikinabang sa ‘SAClolong’ ito.

“Mga kababayan, maliit at mahirap man tayong bayan pero dahil sa maayos na pamamahala natin sa ating kaban ng bayan at sa maayos at matino naming pamamahala ngayon sa krisis na ito more than ever, mararamdaman ninyong mayroon kayong gobyerno na hindi kayo pababayaan.”

Para kay Mayor Clado aniya, “The greatest accomplishment for me as your Mayor ay walang mamatay sa COVID-19 at sa gutom dito sa bayan ng Majayjay, Laguna. We will always be here for you! Fly High Majayjay!”

Ang programang ito sa Bayan ng Majayjay ay isang mabuting halimbawa nang pantay na pagkalinga sa mga mamamayan. Mayroon mang iba’t ibang estado sa buhay ay pare-pareho pa ring nahihirapan at apektado ng pandemya. (Joy Gabrido)

Powered by Google



0 comments:

Post a Comment



–>